Pssst...Na-Mi-Miss Niyo Ba si Marcos?
Lourd de Veyra | Published: February 22, 2011
(Borrowed from SPOT.PH)
Don’t get me wrong. Eleven years old lang ako nung lumayas si Marcos. Pero naaalala ko pa nung naputol ang broadcast ng Channel 9 ng oath-taking dapat ni Marcos sa MalacaƱang. Eto yung nasa balcony ang buong Marcos family (naka-fatigue si Bongbong na kala mo talaga lulusob sa digmaan). Ilang linggo ang lumipas at sunod na nakita si Macoy na nakasuot na Hawaiian shirt. Namamaga ang mukha niya. Si Imelda, Imeldific pa rin, siyempre, kahit may mga naghuhula-dancing na mga puno ng niyog sa likod nya.
Naaalala ko rin yung ermat kong Marcos Loyalist na praning na praning at nagtatatakbo mula sala hanggang dining room at sumisigaw: “Wala na, anak! Wala na! Mahuhulog na tayo sa kamay ng mga Komunista!” Siyempre, pag praning ang ermat, praning ka din. Nung Snap Elections, ang pambungad na imahe ng mga ad campaigns ni Apo Macoy ay ang mga nakapilang rebeldeng kasapi ng NPA na may hawak na pulang bandila na may maso at karit (“Hummer en sikol,” ika nga ng kasambahay namin). Sabi ng Grolliers International Encyclopedia—na sinegundahan naman ng mga magulang ko— na ang mga Komunista daw ang walang diyos, walang awa, at pinapakulong at pinagtatrabaho ang mga tao sa mga palayan, “parang sa Killing Fields!” Puta, siyempre, naihi ako sa takot. At iyon nga ang panakot ng Malacanang nung mga panahong yun: pag nagwagi sila Cory, magiging Komunista ang Pilipinas. I weeeesh.
Onse anyos lang ako nun. Hindi ko pa lubos na nauunawaan ang mga bagay-bagay. Ang mga problema ko lang ay komiks, panonood ng mga cartoons, at pagkolekta ng mga cards ng Garbage Pail Kids. Malay ko ba sa politika? Malay ko ba kung sino ang bida at kontrabida? Malay ko ba noon sa human rights violations, Martial Law, crony capitalism, hidden wealth, edifice complex, tuta ng Kano, at kung ano-ano pa? Naaalala ko lang na sobrang na-badtrip kami ng mga pinsan ko nung nawala si Voltes V sa ere.
Nakakatawa lang na kung kelan 25th anniversary ng EDSA, saka pa lumutang ang usap-usapang ilipat ang mga labi ni Apo sa Libingan ng mga Bayani (Note: ang bangkay ay kasalukuyang naka-preserve na parang popsicle sa isang mauseleo sa Ilocos). Ninety-two years old na siya dapat ngayon. Ang unang nag-ungkat ng isyu ay si Sen. Bongbong Marcos—at siyempre, naturalmente, sentimyento yun ng isang anak. Sinegundahan naman ni Sen. Juan Ponce Enrile, isa sa mga may pakana ng EDSA ’86, dahil gusto niya, happy ka. Nakakaloka lang kung papaanong nauwi dun ang naratibo ng mga pangyayari: kung iisipin na ang pinagmulan naman talaga ng lahat ay ang imbestigasyon ng senado sa plea bargaining agreement ni Gen. Garcia. Tapos napunta sa trahedya ni Gen. Angelo Reyes. Tapos, eto na nga.
Magse-celebrate ang EDSA ng 25th anniversary. Waw, meyn. Twenty-five years. Kung ako, halos walang ka-malay-malay nung panahon ng People Power, paano pa kaya ang mga bata na pinanganak nung ‘87 pataas (Hindi counted yung Edsa Dos ha, dahil pekeng rebolusyon yun, pang-Kulit Bulilit. At lalong hindi ang Edsa Tres)? Lahat nang kaalaman at pag-unawa nila sa mga pangyayari nung ‘86, siguro nakuha na lang nila sa mga textbook (ano nga ba tinuturo nila 'dun?) o kaya sa mga taunang replay ng “Magkaisa” at “Handog ng Pilipino sa Mundo.” Inaamin ko, noong unang umere itong “Handog ng Pilipino” ay nakaramdam ako ng pagbabasa ng mata at kirot sa lalamunan na sigurado akong hindi sore throat (Hindi ko masyadong trip yung “Magkaisa” dahil puro “Magkaisaaaaaaaaa” lang ang naririnig ko hanggang matapos ang kanta). Naaalala ko rin kung paano ka-super big deal ang unang anniversary ng People Power na televised halos buong araw—kasama ang makalaglag-placard na performance ni Freddie Aguilar nung kinagabihan na.
Pero ang mga People Power anniversary celebration nitong mga nakaraang taon? Naku. Napakalungkot. Si FVR, at siguro si Heheheherson Alvarez, lang ang nagtiya-tiyagang dumalo. Binubuksan lang ng mga tao ang TV para tingnan ang rerouting ng trapik. Napaka-perfunctory ng mga ritwales, mga speech na narinig mo ilang dekada na, at kung hindi pa dahil sa mga hakot ng government employees—na kating-kati na matapos ang mga seremonyas para makapunta sa Megamall—eh siguradong lalangawin ito.
Nga pala, napapansin ko lang, pag pinanood mo yung mga footage nung ’86, hindi mo mapigilang matanong: bakit parang ampapayat ng mga tao nun? Lahat payat, from Macoy to Enrile to Gringo Honasan pati na rin ang mga sundalo at ang mga rallyista. Sila Imelda lang at Cardinal Sin ang medyo mukhang naparami sa extra rice. Bakit kaya? Dahil kaya konti lang ang Jolibee at McDo noong araw?
Balik tayo sa tanong sa title. Sa isang raket ko sa Channel 5, nag-interview kami ng mga “ordinaryong tao” at nagtanong: “Mas okay ba ang buhay mo nung panahon ni Marcos?” Ninety percent ng sagot ay “oo.” Nung hiningan naming ng paliwanag kung bakit, halos pare-pareho ang hinaing: “Kasi noon, mas mababa ang presyo ng mga bilihin eh.” May mga mukhang adik namang humirit na “Kasi noon, at least, yung mga rebelde nasa bundok. Ngayon nakakababa na dito sa siyudad.” Eto ang mga karaniwang maririnig sa mga bibig nila: “Magaling,” “matalino,” “maraming nagawa.” “The greatest President this country never had,” sabi ng isang nobelista. Magaling nga at matalino, pero parang sinabihan mong magaling at matalino yung isang lalaking nahuli mong ninenenok ang mga gamit mo pagkatapos banatan ang misis mo sa sarili niyong kuwarto… at biglang nakatakas sa bintana. At wala kang masabi kundi, “Wow, ang galing nun ha.”
Twenty-five years na. Napatawad na nga ba ng taumbayan ang mga Marcos? Tingnan: Senador na si Bunsoy. Si Mommy, Congresswoman ng Ilocos at icon pa rin—ang level ng mitolohiya niya ay parang kena Michael Jordan at Bruce Lee. Every time na may diktador na napapatalsik kahit saang parte ng planeta, siguradong may eleganteng misis na maihahambing kay Imelda. (e.g. Imelda Marcos ng Tunisia, Imelda Marcos ng Kenya, Imelda Marcos ng Romania, etc).
Napatawad na nga ba natin ang mga Marcos? Ipagtanong mo na lang—‘wag sa mga aktibista, ‘wag sa mga intelektuwal at akademiko, at ‘wag din sa gaya nila Oliver Lozano, Kuya Germs, at Amay Bisaya. Itanong mo sa mga ordinaryong mamamayan—mga nagmamaneho ng dyip, nagwawalis sa kalye, nagbebenta ng yosi, nagtitinda sa karinderia na may edad 45 pataas. Baka masabi mo rin sa sarili mo: “Wow, ang galing nun ha.”